THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES

Tuesday, January 5, 2010

Pagtaya para sa Kinabukasan (Para sa lahat ng kasapi sa Green Team)



(Aaron Benedict De Leon, on the humble beginnings of the GREEN TEAM)


Simple lang akong tao, nanggaling sa isang normal na pamilya na pinag-aral ng ama't ina sa matitinong institusyon at paaralan. Hindi ko lubusang maisip kung papaano ako napunta sa sitwasyong ito, kung saan binibigyan ako ng responsibilidad ng aking lipunan upang isiwalat ang isang hubad na katotohanan.


Maraming nagsasabi na ang lahat ng sumusuporta kay Ginoong Gilberto Teodoro ay mga bayaran, mayayaman at saksakan ng ganid sa kapangyarihan. Iniisip ko tuloy kung kahit isa man sa mga pamantayan na yan ay mabibilang ako. Hindi pa nga ako nakakahawak ng isang milyong piso, kahit dumaan lang sa aking palad. Hindi pa ako nakikipagnegosyo sa gobyerno kaya wala pa akong kinukurakot sa kaban ng bayan. Higit sa lahat, nasisita din ako ng pulis kahit wala akong kasalanan.


Ano bang gusto kong paratingin dito? Simple lamang, na ang tunay na nakikita ng katotohanan ay yaong mga taong tunay na nakakaranas ng hagupit at hirap ng buhay, di tulad ng iba na ginagamit ang simbolo ng mahihirap upang katawanin at angkinin ang kahirapang kailanman ay hindi naman nila nasumpungan.



Ang pagsanib ko sa Green Team ay isang pagtaya para sa aking kinabukasan, kasama sina Atty. Raul Lambino, Michael Ong at Joyie Dimayuga, kami ay sumusugal sa isang taong pinaniniwalaan naming may tunay na solusyon sa mga suliranin ng aming lipunan. Hindi naging biro ang aming pagsisimula sa organisasyong ito.



Nagsimula lamang ang lahat sa isang computer, kung saan kami, mula sa iba't ibang antas ng lipunan, ay nagsama-sama upang tunguhin ang mithiin ni G. Teodoro, tungo sa isang Bagong Pilipinas. Hindi kami tumanggap ng kahit anong piso mula sa administrasyon o sa kahit anong emisaryo ni G. Teodoro. Kami ay namamasahe, nagmamaneho ng aming sasakyan, ang iba galing pa sa kanilang mga sariling trabaho, upang makadalo lamang sa aming mga pagtitipon.



Hindi naging madali ang pagsisimula ng grupo, sapagkat iilan lamang ang naniniwalang mananaig si Gibo sa sariling niyang partido. Subalit ang aming dalisay na paniniwala ang siyang nagpatibay sa aming dedikasyon upang patuloy na suportahan ang aming ninanais na pagbabago, kung kaya't sa pamumuno ni Atty. Lambino at ni Michael, lumawak ang abot ng grupo hanggang sa mga kasuluk-sulukang bayan ng Pilipinas.


At habang nakita nila si G. Teodoro sa telebisyon at ang kanyang talino sa pagsagot sa mga isyu ng bayan, lumago at lumago ang kalipunan ng miyembro ng Green Team. Nasidlan ang diwa nila Michael at Atty. Raul, at kasama si Joyie at ako, ay sinubukan naming tipunin ang mga miyembro ng Green Team na nagpatala sa aming FB account.



Patuloy kaming dumami, at lumawak ang aming koneksyon, mula sa mga simpleng tao hanggang sa mga may katungkulan sa kumpanya, at dito patuloy kaming tumitibay at tumatatag sa gitna ng lakas ng aming mga katunggali.



Tumayo po kami sa Green Team sa sarili naming paa, malaya sa impluwensiya ng mga mayayaman at makapangyarihan, dahil gusto naming patunayan, na walang sinuman ang may karapatang angkinin ang bayang aming minamahal, angkinin ang mga simbolong kinakatawan din namin bilang mga Pilipino. Naninindigan kami na hindi dapat tayo umasa sa impluwensiya ng mga naglalakihang higante sa lipunan, bagkus ay dapat tayong tumayo para sa isang kandidatong may kakayanan, may karanasan at higit sa lahat, may higit na pag-asam sa pamamagitan ng mga kongkretong paraan para sa bayan.



Hindi man kami kasinglaki ng ibang organisasyon, hindi man kami kasingdami ng mga sumusuporta sa ibang kandidato, hindi kami nawawalan ng pag-asa sapagkat ang aming pagtaya ay para sa tunay na adhika ng mga nagugutom, naaapi, nawawalan na ng liwanag para sa ating bayan.



Maging bahagi kayo ng isang samahang tunay na kumakatawan sa inyong pag-asam, kaming mga TUNAY na kumakatawan sa mga pangarap ng bawat mamamayan ng Pilipinas, kaming mga galing sa mga simple ngunit maprinsipyong mga pamilya.

0 comments: