(Ito ang aking munting alay para sa bawat VOLUNTEER para kay GIBO)
Tulad ng ibang Pilipino, mahilig din ho ako sa soap opera at mga teledrama na napapanood sa telebisyon. At tulad din ng bawat karakter sa mga palabas na ito, at tulad ng karanasan ng bawat Pilipino, dumarating din ho ako sa puntong nagiging emosyonal ho ako sa mga bagay na nangyari, nangyayari at mangyayari sa aking buhay.
Subalit, higit ho sa pag-iyak na dinudulot ng mga pangyayaring ito, naniniwala ho ako sa kakayahan kong magmuni-muni, magtika at gumawa ng isang malinaw na pamamaraan upang mapabuti ang aking kalagayan, at ng mga bagay at taong nakapaligid sa aking buhay.
Totoo hong minsan, sa buhay ng tao, dumarating sa puntong napapagod tayo, nanlalata, nawawalan ng pag-asa, minsan nga’y nagiging bato na tayo sa mga bagay na nangyayari sa ating paligid. Hindi na natin alintana na ang pagkilos o pagsasawalang-bahala natin sa bawat kaloob ng buhay sa pamamagitan ng kaloob na karanasan, kaalaman at pananalampataya na siyang utang natin sa Maykapal.
Ngayon ho, 19 na oras na ho aking gising, walang maayos na tulog, bugbog ang katawan, pagod ang utak, at sadyang ako’y napagwawagian na ng matinding emosyon, ngunit dito ko ho napapatunayan, na bagamat ang sitwasyo’y laban sa mithiin mo sa paggawa ng mga bagay na dapat mong gawin, ikaw ay higit na mas makapangyarihan sa pagkilos ng iyong diwa, katawan at puso.
Ang buhay ko’y larawan ng maraming sadlak at panunuligsa, dahil sa edad, pagkuwestyon sa kakayahan, dahil sa estado ng aking buhay. Hindi naman ho ako galing sa pinakamahirap na pamilya, pero hindi rin ako nabuhay sa karangyaan. Hindi ho ako nasadlak sa mga karumal-dumal o kalugmok-lugmok na mga pangyayari, pero marami hong matitinding sitwasyong naglalarawan sa musmos kong edad na 23.
Ngayon ho, 19 na oras na ho aking gising, walang maayos na tulog, bugbog ang katawan, pagod ang utak, at sadyang ako’y napagwawagian na ng matinding emosyon, ngunit dito ko ho napapatunayan, na bagamat ang sitwasyo’y laban sa mithiin mo sa paggawa ng mga bagay na dapat mong gawin, ikaw ay higit na mas makapangyarihan sa pagkilos ng iyong diwa, katawan at puso.
Higit na mahalaga ang kapangyarihan mong mangibabaw sa mga dambuhalang balakid na pumipigil sa iyong pagyabong bilang isang tao.
Matindi ho ang aking mga pinagdadaanang kabiguan sa panahong ito, kabiguang maiparating ang tunay na mensahe ng pagbabago sa aking mga kababayan sa pamamagitan ng aking munting paraan. Minsan, nararamdaman ko pa ngang kahit sa aking sariling koponang pinagsisilbiha’y hindi ako nabibigyan ng karampatang suporta, paggabay at inspirasyon upang lalong pag-ibayuhin ang aking mga ginagawa.
Ilang buwan na rin ho akong di nakakapagtrabaho, dahil inialay ko ang aking sarili para sa eleksyong ito. Makapaghihintay ang trabaho, ngunit ang pagbabagong aking ninanais ay hindi na makapaghihintay. Ako ho’y isang taong materyoso, at napakalaking saprikisyo ho para sa akin ang mawalan ng kakayahang mabili ang mga gusto ko, dahil ang aking oras, pera at pagod ay ginugugol ko para sa pagkapanalo ni G. Teodoro. Minsan ho, dala ko lang ay P100 pag ako’y pupunta sa isang pagtitipon o miting, at uuwing magtitiis sa matinding usok sa daan. Minsan ho, dahil sa sobrang pagtitipid, natitiis ko ng hindi kumain, kahit na ako’y likas na malaks kumain, dahil kailangan hong maghigpit ng sinturon. Ilang gabi kong pinagpupuyatan ang mga plataporma na gustong isulong ng Green team sa pagsuporta kay G. Teodoro, ilang gabing nasaktan dahil hindi magkaugnay-ugnay ang bawat isa dahil sa mga isyung mababaw, ilang gabing naisipang sumuko dahil hindi maganda ang mga resulta ng survey laban sa aming kandidato.
Minsan ho, naiisipan ko na ring tumalikod, umatras, magpahinga, dahil sobra ko na lang inilabas ang aking sarili sa aking “comfort zone”. Ang aking pamilya na tumutustos sa aking pamasahe, hanggang kalian pa kaya nila kayang pagbigyan ang hiling ng kanilang anak na wala namang katiyakan ng tagumpay. Ang aking mga pinalampas na trabaho na sana’y nagbibigay ng materyal na kasiyahan, malayang bumili ng mga bagay na nagbibigay ng panandaliang ngiti. Ang aking mga kaibigan na ang oras na para sana sa pagtitibayan ng aming samahan ay napalitan ng kaunting tampuhan dahil sa mga bagay na di naman naming kayang isakripisyo. Maraming dahilan para umayaw sa laban.
Pero naaalala ko ho ang mga napagtagumpayan kong mga laban sa buhay, mula sa mumunti hanggang sa pinakahuli. Mula sa simpleng pag-ahon ko sa pangunguna sa aming Student Council noon, hanggang sa ako’y maging tagapagsalita sa kabataan ni G. Teodoro, hindi ko ho nakakalimutan ang mga paniniwala ng ibang taong hindi ko maaabot ang mga pangarap na yon dahil sa anu pa mang kadahilanan.
Hindi ho ako nandaya, hindi ho ako nangbraso, hindi ho ako gumawa ng mga panandaliang solusyon para magawa ko ho ang mga bagay na aking napagtagumpayan. Minsan, masasakit at mahahapding karanasan ang nagturo sa akin kung paano lumaban, at yon ay sa pamamaraang patas at tapat sa katotohanan.
Ang tanging pinanghahawakan ko na lamang sa panahong ito ay ang araw araw na ipinahihiwatig na mensahe ng aking mga mata na prinoproseso ng aking puso’t isipan. Hindi ho ako pulitikong magsasabing ramdam ko kayo, o galing ako sa mahirap, o ako ho’y tapat na naglilingkod. Ang tanging pinanghahawakan ko na lamang ay ang magandang kinabukasan na idudulot ng aking tagumpay kung mapagwawagian ko ang laban ni G. Teodoro sa eleksiyong ito. Wala ho akong ipinapangakong kahit ano pa man, dahil hindi ho ako Diyos para maibigay ang lahat ng kahilingan ng mga tao.
Ngunit kung ang aking salita ay magbibigay ng kaliwanagan sa aking mga kaibigan, at kung ang inspirasyon ng tekstong ito ang siyang bubuhay sa natutulog na sidlan ng bawat sumusuporta sa adhikain ni G. Teodoro, ito na ho ang aking pinakamagaling na kontribusyon para sa tagumpay ng kanyang kandidatura. At kung lalo kong mahahalina ang bawat taga-suporta na gawin ang kanilang mga pananagutan, sinisigurado kong itong laban na ito ay ating mapagtatagumpayan.
Simpleng tao lang ho ako, at isa lamang ako sa 37,800 taga-suporta ni G. Teodoro sa kanyang pahina sa Facebook. Higit na marami ang taga suporta nila G. Aquino at ni G. Villar kumpara sa aming kampo. Pero kung ang bawat isa sa 37,800 ay sumusumpa sa pananagutan nila sa bansa tungo sa reporma, kung lahat ho ay mangangakong pag-iibayuhin ang kaalaman sa ipinaglalaban ng aming kandidato, marami hong mga tao ang maliliwanagan, ang makukumbinsi at titindig para tunay na pagbabago at reporma na ating hinahangad.
Tiyak ho ako na hindi ho ang bilang ng survey, hindi ho ang numero ng taga-suporta sa facebook ang siyang kumakatawan sa pag-asam ng ating mga Pilipino. Bagkus, ako ho’y naniniwala na ang tunay na kumakatawan sa pag-asam ng bawat isa sa atin, at sa kabuuan, ay ang pananagutan ho nating tukuyin ang mga isyu na magbibigay katugunan sa mga suliranin ng mga simpleng maralitang Pilipino na pilit itinataguyod ang kanilang estado sa buhay, ng simpleng manggagawa na pilit pinaglalaanan ng sapat na pawis at oras ang trabaho para sa produksyon ng kanyang bansa at para sa kanyang sinusuportahang pamilya, ng simpleng ama’t ina na pilit binibigyan ng sapat na edukasyon, sapat na paggabay, sapat na pagmamahal ang bawat miyembro ng kanyang pamilya, bilang tagataguyod ng kanilang mga anak at bilang mag-asawa, sa bawat naglalakad sa mga lansangan ng lahat ng kanto ng Pilipinas, na ang mithi lamang ay magkaroon ng makaTAO at nakakasapat na pamumuhay.
Naniniwala ho kami na ang institusyon na aming tinataguyod, ang institusyon ng mga katugunan sa mga problema ng bansa, at hindi ng pagmamalabis sa kapwa, ang dapat na manaig sa tunay na maghahalal sa mamumuno sa ating bansa pagdating ng Mayo,2010, at yan ang Eleksyon, at ang INSTITUSYONAL na pagbabagong ito ay buong pusong niyayakap ng bawat isa, dahil ito ang PANGUNAHING TUGON ni G. Teodoro sa bansang naghahanap ng kasagutan.
G. Teodoro, nawalan ka ng mga sundalo noong ikaw ay nagbitiw bilang kalihim ng tanggulang pambansa, pero ngayon, sa iyong kandidatura, ikaw ay mayroong 37,800 sundalong handa kang ipaglaban upang ikaw ay siyang mamuno sa aming ipinaglalaban, at higit pang marami na walang paraan para makapagtala sa computer at ipahayag ang kanilang suporta’t matinding paninindigan para sa ipinaglalaban.
Ikaw ang katawan ng kaluluwa ng pagbabago at kami ang kaluluwa ng ninanais naming pagbabago. Maninindigan ka para sa higit pa sa 37,800 kaluluwang umaasa para sa higit na pagunlad ng aming buhay at higit kaming tutugon sa hamon na iniaatang sa amin upang mailagay ang katawan ng kaluluwa ng pagbabago sa dapat nitong kalagyan.
Sapagkat ang iyong ninanais na pagbabago ay nakasentro sa institusyon, at ano pang magandang halimbawa dito, para sa isang simpleng taong tulad ko, ang pamilya na pinakamaliit na yunit ng lipunan, na siyang nag-aaruga, nagbibigay kalinga sa bawat isa, nagmamahalan sa panahon ng matinding kahirapan. At ang iyong paniniwala sa isang demokrasyang sumesentro sa tao, (na ang tao ay hindi lamang dapat mahalin, arugain, pakainin, kalingain dahil ito ay pangangailangang dapat tuparin ng estado, kundi dahil ang estado ay naniniwalang ang tao ay may karapatan sa isang buhay na disente at may karapatan na mabuhay ng marangal, ng may dignidad at may integridad), ang siyang nagbibigay liwanag at inspirasyon upang maging karapat-dapat kami sa ninanais naming pagbabago, at upang bigyang puwersa ang aming sariling kakayanin na kami ang tunay na dapat na maging katuwang ng iyong pamumuno tungo sa pagbabago.
Naniniwala ho ako na sa bawat luhang pumapatak sa aking mga mata sa mga oras na ito, sa bawat salitang nasasambit ng aking isipa’t puso, ay nagdagdag sa mga tanikala’t bituin sa langit, upang sa gayon, ang bawat Pilipinong nakitangala sa gabing ito sa langit ay makakakita ng higit na liwanag na binabalot ng dilim, sing-tinag ng bituing naggabay sa tatlong Hari upang mahanap nila si Hesukristo, patunay na tulad ng liwanag na ito na galing sa langit na kaloob ng Maykapal na nagbigay ng kaligtasan sa sangkatauhan, ay ang magsisilbing takda sa isang mas maliwanag, mas makislap na bukas para sa ating lahat.
Ngayon, may kahulugan na ang pagod, ang kakulangan sa tulog, ang pag-iyak, dahil alam ko, nakita nyo na sa inyong sarili, na kayo ang hinahanap na pagbabago ng bayan.
0 comments:
Post a Comment